Archive for Pilipinas

Gising na, Pilipinas Kong Mahal

Posted in Own Story, philippines, Politics with tags , , , on March 19, 2010 by annepotz

Nais ko lamang ipabatid ang mga karumal-dumal na nangyayari sa ating bansang Pilipinas. Marahil nga, kahit sino man sa atin, kung ating susuriin, ang pamamalakad ng ating mga lider mula sa lokal hanggang nasyonal na posisyon ay sadyang napakahina. Mahina sa kadahilanang di naman nasusunod at naipapatupad ng maayos ang mga batas na nagagawa. Bagkus, sila pa nga ang lumalabag nito.

Ayoko na munang mag-Ingles, tutal naman, nasa Pilipinas naman tayo, marapat lamang na gamitin ko ang ating pambansang wika (pwede bang haluan kahit konti, mahirap mag-express eh). Di naman siguro kabawasan sa aking pagkatao kapag ako ay sumulat gamit ang ating sariling wika.

Sa ngayon, nalalapit na naman ang eleksyon. Marami na namang kandidato ang gustong bumango ang kanilang pangalan sa publiko. Kabilaan na ang mga kampanya para masungkit nila ang posisyon sa gobyerno. Isang posisyon na magbibigay sa kanila ng kapangyarihan at kayamanan. Huwag na tayong maging hunghang. Bihira na ngayon ang tumatakbo para magsilbi sa bayan. At mas marami ang tumatakbo sa isang posisyon para magpayaman at maging makapangyarihan. Di na nga uso ang salitang ‘public servant’ ngayon. Nabura na ata sa bukabularyo natin yan. Ang mga public servant kuno sa Pilipinas ay maihahalintulad mo sa isang elitista. Kasi sa aking palagay, di nila kayang lumebel sa karaniwang tao. Mas nagiging mapagmataas na sila kapag sila ay naluklok na sa kanilang posisyon. Nakakalimutan nila na ang mga taong iniisnob nila ay ang mga taong syang naging dahilan kung bakit sila nasa kapangyarihan.

Sa Pilipinas mo lang makikita ang mga ganitong scenario. Magtataka ka pa ba kung bakit tayo ay nahuhuli na sa pag-unlad? Ang Konstitusyon natin na syang batayan para sa pagtupad at pagsasabatas ng mga kautusan ay masyado na atang nakakalimutan. Kailangan pa atang isampal sa mga mukha nila ang libro para maalala nila na dapat ito ay sinusunod.

Kung pwede lang ipagsigawan sa harap mismo ng mga buwayang ito kung gaano kakapal ang kanilang mukha para magawa ang mga ganitong bagay. Kung ang lahat ng proseso sa Pilipinas ay nagagawa ng mabilisan. Oo, may mabilis naman sa Pilipinas kahit paano, ito ay yung pangungurakot nila. Mabilis sila magbulsa ng mga pondo ng gobyerno. Mabilis din lalo  na sa palakasan at pag-unlad ng mga sarili nilang pamilya, at yung sila lamang ang makikinabang.

Paano na tayo nyan? Kung sa susunod na anim na taon at sa mga susunod pang dekada, ito at ito ang mga pangyayari? Baka mamulat na lang tayo bigla, walang-wala nang natira sa Pilipinas kundi ang dagat ng basurang punung-puno ng buwaya (pahiram ng linya).

Hindi ko naman nilalahat ang mga nagsisilbi sa ating gobyerno. May ilan pang natitira na may konsensya at paninindigan bilang isang makataong kawani ng ating gobyerno. Pero mahirap nga lang silang hagilapin.

Ngayong darating na eleksyon, sana naman sa gabay ng ating Lumikha, maging maayos ang lahat (asa pa ako). Kung minsan, gusto din nating umasa na may pagbabago pa nga na magaganap sa Pilipinas, yung maging abot-kamay natin ang kaunlaran, dahil sa sipag, tiyaga, galing at talino na walang bahid ng pangungurakot at katiwalian. Sana ang maihalal na Presidente ay yung may konsensya at pagmamalasakit sa kanyang bayan. Wala namang imposible sa dasal, lalung-lalo na kay Bro. J At dapat, matuto rin tayo na magdisiplina ng ating mga sarili bilang ordinaryong Pilipino. Kailangang sumunod tayo sa mga batas. Di naman kaya ng sinuman ang isang tungkulin kung walang pakikipagtulungan ang kanyang nasasakupan. Magtiwala tayo at wag masyadong maging reklamador. Itapon na natin ang ningas kugon attitude kasi di naman ito nakakatulong. Kung ano ang inumpisahan, dapat tinatapos. At huwag tayong umasa lamang sa mga nanunungkulan, ang pag-unlad naman natin ay nagsisimula sa ating sarili.